Saturday

sana

sana

Sana

sabi mo nanghihinayang ka.  sabi mo "sana" na lang ang kaya mong banggitin ngayon.
sabi mo madami kang pinagsisihan.  sabi mo mahal mo pa rin ako.

pero hindi mo alam, alam ko na lahat.  alam kong ayaw mo lang makasakit kaya pilit mo ko pinapaniwala sa kasinungalingan mo.  dahil kahit sa sarili mo ayaw mong amining naging ganun ka kasama.

hinding hindi kayang takpan ng isang libong kasinungalingan at pambobola ang nagiisang katotohanan.

sana alam mo yan.

may mga "sana" din ako.

sana sinabi mo na lang ang totoo sa simula’t simula pa lang.  mas madaling tanggapin ‘yon kaysa nung nagsinungaling ka at pinaniwala mo ako sa ibang dahilan.  babae ako.  alam ko kung may hindi tama.  biniyayaan ako ng kutob. sana alam mo yan.

sana hindi ka naging mahina nung umalis ako.  sana kinaya mo.
sana kahit nagkakilala kayo, hindi ka masyadong natuwa sa kanya---dahil madami kayong napagkakasundoang bagay, mula sa mga bisyo niyo at kung anu-ano pa.  sana hindi siya masyadong naging magaling sa paningin mo.

sana kahit lagi kayo magkausap, hindi bumaling sa kanya atensiyon mo.
sana kahit lagi kayo magkasama, hindi naubos oras mo sa kanya kaya wala nang natira para sakin.
sana kahit masarap ang usapan niyo tuwing meron kayong inuman, hanggang dun lang yun.  sana wala ka nang ibang inisip pa.

sana mas malakas ang pinagmamalaki mong pagmamahal para sakin, kaysa sa dating niya sa’yo.

sana sa tuwing hithit niyo ng yosi, hindi nawala sa hangin kasama ng usok na binubuga niyo ang mga pinangako mo sakin.

sana sa bawat tagay mo sa tabi niya, hindi nahugasan lahat ng alaala mo sakin.

wala naman kasing problema sakin kung may makilala ka. hindi ko naman mapipigilan ‘yon.  pero hindi mo sana sinabi sa sarili mo nung mga panahong ‘yon na “anong magagawa ko, gusto ko na siya” at mas pinili mong isakripisyo ako para sa kanya.

wala kasi akong laban.  malayo ako.  malabo pa kausap.  ano nga naman magagawa ko.  wala.  

madaya ka.

pero sana alam mo na nung mga panahong tuwang tuwa ka sa kanya, masaya kayong magkasama, sana naisip mong hirap na hirap ako lumaban sa buhay.

sana alam mo, na sa mga panahong hinang hina ako at wala nang ganang bumangon, sa’yo ako humuhugot ng lakas.  isipin ko lang na makakausap na kita ulit, maririnig ko na ulit boses mo… tamang rason na ‘yon para magpatuloy ako.

sana alam mo, na nung walang wala na ko hindi ko ‘yon masyadong inisip, kasi alam ko andyan ka pa.  kaya  ko pa ring sabihin meron pa naman palang natira.

sana alam mo, na hindi na ako ulit naniniwala sa mga pangako, pero nung dumating ka, naniwala ako ulit kasi akala ko iba ka.

sana alam mo, na sa araw araw na malayo ako sa ‘yo, wala akong ibang inisip kundi ikaw.

sana hindi ganun kadali sa’yo sumuko dahil ako…pinaglaban kita.

kaya minsan iniisip ko...sana hindi na lang kita nakilala.


---


We want to hear your story OR read your unsent letters too!
Write for Dear You,. Click here to find out how.








No comments:

Post a Comment